top of page

ENABLE 2022: A DONATION DRIVE FOR THE DRIVERS


To help in the moral upliftment and social awareness and development of its members.”


Isa ito sa mga layunin ng SAM-UP na patuloy na paninindigan ng Organisasyon sa pamamagitan ng pakikiisa sa panawagan ng ating mga jeepney drivers at operators dahil hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na isa sa mga pinaka-apektado ng krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya ay ang sektor ng transportasyon, lalo na ang pampublikong hanay.


Kaya naman, noong Hulyo 31, 2022, idinaos ng Society of Applied Mathematics of UPLB (SAM-UP) ang kauna-unahan nitong external face-to-face (F2F) event mula noong tumama ang pandemya sa bansa — ito ang “Enable 2022: A Donation Drive for the Drivers” na naglayong magbigay ng tulong sa Forestry Los Baños Calamba Jeepney Operators and Drivers’ Association, Inc. (FLBC-JODAI) at pakinggan ang kanilang hinaing ukol sa pagtaas ng presyo ng krudo at pagsawalang bahala ng pamahaalan sa kanila. Karamihan sa kanila ay humigit kumulang tatlumpong (30) taon nang namamasada sa UPLB, at ang pinakamatagal sa kanila ay nagsimulang mamasada noong 1974.


Nag-umpisa ang programa sa kaswal na diyalogo na pinangunahan ng mga tsuper ng nasabing samahan. Kasunod nito ay ang pamamahagi ng grocery packs sa apatnapu’t siyam (49) na mga jeepney drivers at operators, at nagwakas sa maikling pananalita ng Senior Executive ng SAM-UP.


Mula sa diyalogong naganap, nahinuha na ang pangunahing hinaing ng mga tsuper ay ang pagtaas ng presyo ng langis na siyang dahilan din ng ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bukod pa rito, pasan din nila ang bigat ng gastusin para sa edukasyon ng kanilang mga anak, na kung tutuusin ay dapat na tinatamasa nang libre at malaya, kung kaya’t ano man ang mayroon sila ay hindi talaga sasapat sa kanilang mga pangangailangan. Itong sitwasyon din ang nagtulak sa iba sa kanila upang mamalimos, magbenta ng jeep, o magpalit ng hanapbuhay — construction worker, boy, o ang pakikipagsapalaran na mamasada sa ibang ruta kahit na malaki ang multa kung mahuli.


Ang paghihirap na dulot ng pandemya ay tinugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng assistance programs o ayuda ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Local Government Unit (LGU), at National Government (NG). Ngunit gaya ng pangkaraniwang kaso, hindi naging regular ang dating ng ayuda at hindi lahat ay nakatanggap. Bukod pa rito, maraming drayber ang sinabihang makakakuha ng fuel subsidy mula sa gobyerno na nagkakahalaga ng ₱ 6,500 ngunit hanggang ngayo’y wala pa rin silang natatanggap.


Sa ganitong mga sitwasyon natin makikita ang kakulangan sa pag-ugat ng suliranin kaya’t band-aid solution lamang ang nagagawang pagtugon ng gobyerno sa krisis na kinahaharap ng ating mga drivers at operators. Hindi nauunawaan at hindi rin inuunawa ng mga opisyal ang suliranin dahil hindi naman sila primaryang apektado nito.


Kaya bunga ng patong-patong na mga krisis, naglunsad ng pinag-isang alyansa ang mga tsuper, manggagawa, estudyante, mangingisda, at iba pang sektor sa lipunan na tinawag na PULTANK (Pagkakaisa Upang Labanan ang Taas Presyo ng Krudo). Layon nilang manawagan sa gobyerno’t mga korporasyon na magbigay ng ayuda para sa lahat, suspendihin ang Excise Tax at Value Added Tax, ibasura ang Oil Deregulation Law, at magpatupad ng rollback sa presyong petrolyo. At gayundin naman patungkol sa jeepney phaseout at jeepney modernization program, para sa mga drivers at operators, may alternatibong paraan pa upang masolusyunan ang problema sa usok at kalikasan gaya ng rehabilitation program. Dahil kung itutulak ito ng gobyerno, mas pabibigatin nito ang sitwasyon ng mga tsuper dahil sa kawalan nila ng kakayahang bumili at magbayad ng mga modernisadong sasakyan — lalo lamang silang malulubog sa utang at kukulangin ng pangtustos sa pamilya.


Higit sa lahat, huwag sanang tugunin ang kanilang panawagan sa hindi makatao at hindi makatarungang pamamaraan, sapagkat hangad lamang nilang respetuhin, kilalanin, at mapakinggan ng mga mamamayan hindi bilang mga tsuper “lamang,” kung hindi bilang mga tsuper na bumubuhay sa sistema ng isa sa pinakamalawak na pampublikong transportasyon sa bansa.


Para sa mga drivers at operators na ating natulungan at nakausap, mahigpit na kasama sa laban ang tingin nila sa mga estudyante ng UPLB. Hangga’t hindi natatapos ang kanilang panawagan, maninindigan sila sa patuloy na laban para sa transportasyon — at hangad nila na makasama tayo rito. Kaya bilang mga Iskolar ng bayan para sa at kasama ang bayan, tungkulin nating pakinggan at tulungang palakasin ang panawagan ng masang biktima ng mapang-aping sistemang naghahari sa ating lipunan.


Muli, ang Society of Applied Mathematics of UPLB (SAM-UP) ay patuloy na nakikiisa sa mga panawagan ng jeepney drivers at operators, hindi lamang ng Los Baños, kung hindi ng buong bansa.


“Sa pagsasabuhay ng diwa ng dasig, tayo’y mga iskolar ng bayan, para at kasama ang bayan.” -Giland Marie Arce Lim













Comments


Other Posts
bottom of page